Direktor:Arturo San Agustin
Runtime: 119 mins
Mga Nagsiganap: Robin Padilla bilang DIEGO/MANILA BOY
Tony Ferrer bilang ESCUDERO
Judy Ann Santos bilang NENENG
Upang panimula, hayaan ninyong ilahad natin ang balangkas ng isang tipikal na Pinoy Aksyon Film:
*Ang Bida ay dapat laki sa hirap, ipinaglalaban ang api, at nasa kabutihan. Siya ay imahe dapat ng isang lalaking maaasahan sa kahit anong oras at hindi mayabang. Gusto ng karamihan. May mga oras din na siya mismo dapat ay nakaranas na ng pang-aapi.
*May leading lady, na sexy (minsan kung ang cast ay isang bigating artista tulad ni Sharon Cuneta ay hindi na isinasaalang-alang) at maganda, na mahuhulog ang loob sa pagiging maginoo ng bida, kahit anong oras dapat ay handa sa isang mainit na eksenang sekswal na nagsisimula sa isang mainit na halikan (sa kaso sa mga tulad ni Sharon Cuneta, smack lang).
*May side-kick na komedyante ang Bida; na may ka-partner din na maganda, pero bobang babae.
*Ang kontrabida ay mayaman, impluensyal. Maaaring politiko, pulis, may-ari ng sindikato, o maaaring pinaghalo ang dalawa sa tatlo o pinaghalo ang lahat. May mga goons na pangit at malalakas ang kalibre ng baril. Yun bang unang tingin pa lang, alam mo na na ilegal ang gawain at mga mukhang walang gagawing maganda sa buhay.
*Si leading lady ay babastusin ng mga tambay, darating si Bida, at paggugulpihin ang mga tambay kahit gano sila karami.
*May kidnapping; may mamamatay na nanay, tatay o kahit sinong bahagi ng pamilya; pwede ring may ampon, basta kahit anong dahilan upang maghiganti. Iiyak o manlulumo ang bida.
*Kung kidnapping, tutubusin ang kinidnap sa isang warehouse kung saan magbabarilan ng walang humpay at hindi mauubusan ng bala.
*Ang huling maaksyong eksena ay palitan ng linya mula sa kontrabida at Bida, at barilan. Mamamatay ang kontrabida, may tama ng baril si Bida (banda sa tiyan upang may dahilan upang hawakan niya ito), darating ang mga pulis at huhulihin ang mga goons ng kontrabida na nabaril na kanina ng Bida (pwedeng kasama ng side-kick o ng leading lady na tinuruan bumaril ng Bida habang nagbabakasyon sa Tagaytay).

Manila Boy is our BoySa pamantayang ito nabuhay ako ng 20 taon at naniwala na ang isang aksyon film ay ganito ang balangkas. Halos kapareho ng mga aksyon film sa US. Ngunit may isang karakter sa pelikulang pilipino, o maging sa buong kulturang popular ng Pilipinas, ang namumukod tangi sa pagiging Bida sa isang aksyon film.
Kilala si Robin Padilla sa pag-ganap sa papel ng isang "masamang-bida" o yung tinatawag natin sa ingles na Anti-Hero. Ang ganap lagi ay mayabang, maangas, babaero. Sa mga pelikula niya, maaari kong masabi na namumukod tangi ang Manila Boy.
Sa isang baryo, si Diego (Padilla) ay kilala bilang isang walang pakinabang na tambay na walang ginawa kundi manggulo. Isang araw ay kinausap siya ng kaniyang tiyo (Berting Labra) na lumisan sa kanilang baryo at gamitin ang mga abilidad ni Diego upang makipagsapalaran sa Maynila. Ilegal ang una niyang napasukan at nabulilyaso. Matapos maging matunog ang katayuan niya sa kulungan, kinuha siya ni Escudero (Tony Ferrer) upang maging tauhan sa kaniyang sindikato. Mula noo'y tumutulong na siya sa kaniyang mga kabaryo habang ginagawa ang kaniyang mga iligal na gawain.

Si Robin (Hood?) at JudayIsang malaking surpresa sa akin ang Manila Boy, maaaring may mga elemento pa rin itong hawig sa mga tipikal na pelikula ngunit, mayroon itong mga aspetong kamangha-mangha. Kapansin-pansin dito ang hindi nito gaano pagsunod sa template ng isang aksyong pelikula: walang naging kahalikan si Diego na sexy-star (o tulad ni Sharon Cuneta) na tinuruan niyang bumaril habang nagbabakasyon sa Tagaytay, wala siyang sidekick, walang kinidnap, hindi umiyak si Diego, ang huling eksena ay hindi sa warehouse, at ang mga pulis ay hindi dumating pagkatapos ng barilan upang hulihin ang mga goons na zombie kundi upang makipagbarilan kay Manila Boy. Bukod dito, kapansin-pansin ang kagandahang biswal ng pelikula, tuwang tuwa ako sa pagkilos ng kamera at ang magagandang shots na kinunan. May kaunting pagkakahawig ang ilan sa mga eksena sa tekniko sa sinematograpiya ni Mike De Leon. Yun nga lang, mas gaganda pa sana ang pelikula kung nanatili itong biswal sa lenggwahe.
Nitong mga nakaraang linggo, ay natutuwa ako sa mga surpresang inihahatid ng ilang mga pelikulang atin na halos hindi gaano napagtutuunan ng pansin dahil sa pagiging tipikal nito sa paningin ng ilang manonood. Marahil ay isa itong paalala na hindi lang ang mga klasiko, kontemporaryo at arthouse ang dapat na pagtuunan ng mga kritiko natin ngunit maggugol din ng oras sa mga pelikulang ginawa para sa masa dahil ito marahil ang makatutulong sa atin upang mabigyang solusyon ang mga suliraning pangkalikhaan sa naghikahos at muling bumabangon nating pelikulang Pilipino.
