Monday, August 30, 2010

Cameroon Love Letter (for solo piano) (2010)




Direksyon: Khavn
Runtime: 70 mins
Mga Nagsiganap:
Gertjan Zuilhof
Lourd De Veyra

Halos magdadalawang taon na mula nung maging tagahanga ako ni Khavn. Una kong napanood noon yung Ang Pamilyang Kumakain ng Lupa. Wasak ako dun. Sunod noon nakita ko sa Video City yung Tatlong Araw ng Kadiliman, isa sa mga epektibong horror film na napanood ko. Sa mga ganitong tema, hindi ko akalain na makikita ko ang ibang panig ng kaniyang katauhan sa Cameroon Love Letter (for solo piano).

Isang maulang gabi noon sa Fully Booked Bonifacio High Street, basang basa ang mga payong namin. Pumasok kami sa loob na sobrang lamig. Parang hindi bagay ang aircon kapag maulan. Nagbukas ang palabas sa short film niyang Zombie Mariachi. Na hindi rin bumagay sa ulan... nang matapos iyon, tumugtog ang piano. Nagbukas na ang palabas. Wala nang mas babagay pa sa gabing maulan kundi sa tugtog ng malambing na piano at kape.

Live na itinugtog ni Khavn ang soundtrack ng pelikula, isa na namang panibagong karanasan para sa isang katulad ko. Malungkot ang pakiramdam ng pelikula. Tungkol ito sa isang lalaki at babaeng naghiwalayan. Sumulat si babae upang bumukod at humanap ng panibagong buhay. Pumunta ang lalaki sa Cameroon upang mamatay.

Ang pakiramdam marahil ang naging bago sa akin, ngunit ang istilo ay hindi na naiiba, nakita ko na ito noon sa isa pang maikling pelikula ni Khavn na Ang Dagat na Nalulunod. Ngunit dito naman sa Cameroon Love Letter, ay tila palitan ng sulat at hindi tula ang pinakita. Ang mga imahe marahil ay walang kaugnayan sa kuwentong inilahad, ngunit masasabi ko na naging epektibo naman ang pelikula sa ninanais nitong masabi ang kuwento.

Sa katotohanan, hindi ito ang mga temang ninanais ko sa isang pelikula, pero para sa unang beses na karanasan, maganda rin pala. Bakit di ko bigyan ng pagkakataon ang aking sarili sa mga ganito? Hindi marahil maihahanay sa mga pinakamagandang gawa ni Khavn, ngunit isa pa rin sa mga irerekomenda kong panuorin ng lahat. Wasak pa rin siya, pramis.

Sunday, August 29, 2010

Anacbanua (2009)



Direktor: Christopher Gozum
Runtime: 104 mins
Mga Nagsiganap:
Lowell Conales bilang MAKATA
Che Ramos bilang MUSIA
Tristan Aguirre bilang OGAW
Marissa Bautista bilang TAGALAHAD
Christopher Gozum bilang TAGALAHAD

Isang magandang indikasyon ng pagunlad sa pelikulang Pilipino ay ang pagdami ng mga pelikulang naisasaad sa mga lokal na diyalekto at wika. Dagdag pa rito ang walang kaparis na estetikang sadyang sariling atin.



Ang Anacbanua ay isang muling pagsilip, pagtanaw, at pagbalik sa kinagisnang kultura. Inilalahad nito ang isang paghamon sa lahat na bumalik, muling linangin, at ipagtanggol ang katutubong wika, dahil ito ang sumasalamin sa kultura at kasaysayan ng bayan.

Sa buong kasaysayan ko ng panunuod ng pelikula, ito na marahil ang pinaka-direkta, pinaka-seryoso at pinaka-maigting sa paglalahad ng kaniyang mensahe. Walang salitang nasayang. Inilahad sa buong 104 na minuto ang lahat ng nais at kailangan upang pakilusin ang nais nitong paghandugan ng mensahe.



Para sa isang makata, isa sa pinakamamahal nito ay ang wika at mga salita, at ang makitang dahan-dahan itong namamatay ay parang isang inang nawawalay sa anak. Malungkot, masakit. Ito ang pakiramdam na mapalalim ka sa pelikulang ito. Maaaring hindi lahat ay makuha ang nais nitong ipabatid, ngunit madarama mo ang kalungkutan sa bawat salita.

Isang matapang na paglalahad. Lagi kong hinahangaan ang mga film-maker na hindi natatakot mag-eksperimento. Hindi natatakot sa ano mang sabihin ng tao, ang sa kanila lamang ay maipabatid ang dapat mabatid. Mga tunay na alagad ng sining.

Possible Lovers (2008)



Direktor: Raya Martin
Runtime: 95 mins
Mga Nagsiganap:
JK Anicoche
Abner Delina

Halos mag-iisang buwan na mula noong mapanood ko 'to, pero wasak pa rin ang pakiramdam ko.

Ika-1 ng Agosto, 2010, sa pangalawang beses kong manood sa Tioseco-Bohinc Film Series, sa Fully Booked, Bonifacio Heights, maraming tao. Sabi nga nila Oggs, first time daw na ganoong karaming tao sa U-View para sa Film Series. Isang Raya Martin pala ang kayang makakapagpapuno doon.


Nagsimula ang palabas sa bagong short film ni Martin. Nakalimutan ko lang ang pamagat, pero ito ay sa wikang Pranses. Matapos noon ay pinalabas ang mga tahimik at black-and-white na imahe. Maaaring ang lumang Maynila o Pilipinas. Matapos noon ay ipinakita ang dalawang lalaki: isang natutulog sa kaliwa na nakasuot ng coat at tophat, ang isa naman sa kanan ay naka-kamison at nakatingin sa lalaking tulog. At natapos ang pelikula sa mga salitang: "We are possible lovers. Waiting for the film to end."

Hindi ko alam ang punto noon ng pelikula, pero ang kagandahan nito, ay napilit niya akong mapagisip. Ito ang mga ideyang naisip ko:

*Ito ay isa na muling representasyon ng isa sa mga madalas na tema ni Martin sa pag-gawa ng pelikula: ang kasaysayan ng Pilipinas.
*Ang dalawang lalaki ay kumakatawan sa Kanluran at Silangan. (o maaaring Amerika at Pilipinas)
*Ang progreso ng tunog ay ang Pilipinas sa pagdaan ng panahon.
*Habang ang lalaki sa kanan, tawagin natin siyang Pilipinas, ay tahimik na nakabantay kay Amerika (ang nasa kaliwa), may gusto siyang gawin dito. Maaari itong simbolismo ng matagal na nating pagiging alipin sa ibang bayan. Na kahit walang paki-alam at tulog lamang ang ating pinagsisilbihan, mahal pa rin natin ang ating trabaho at ang ating pinagsisilbihan, at dahil dito, kahit di na tayo makatulog, ay nagsisilbi pa rin tayo.
*ang maaaring nagkumpirma ng aking teyoryang ito ay ang pagsikat ng araw sa bandang huli ng pelikula at pagsinag nito kay Pilipinas. Ang araw ay sumisikat sa silangan.

Napansin ko ang mga walk-out sa pelikulang ito. Malipas ng ilang panahon naman ay naglabasan na ang mga sulatin mula kay Oggs Cruz, Richard Bolisay at Eduardo Dayao, na may pumanig kay Martin, may hindi. Kasama pa dito ang mga ilang komentong hindi ganoon kapanig sa pelikula.

Ako ma'y sa una ay naguluhan, ngunit sa pagtagal, na-appreciate ko rin ang pelikulang ito. Hindi ito marahil ang pinakamaganda sa mga gawa ni Martin, ngunit isa ito sa mga hindi malilimutan.

Ang Ninanais (2009)



Direksyon: John Torres
Runtime: 120 mins
Mga Nagsiganap:
Ciriaco Gibraltar
Tope Grabato
Che Villanueva

Noong July 2009, sa General Assembly ng aming organisasyon, ang Bukluran sa Sikolohiyang Pilipino, isang argumento tungkol sa batayan ng kagandahan ang nabanggit ng isa sa mga dati naming Bise Presidente: na ang konsepto raw ng kagandahan ng mga Pilipino ay hindi Pilipino, kung saan ang unang batayan ay ang kulay ng balat. Isang hapon ng April 2010, inilahad ni Dr. Zeus Salazar sa amin sa isang paguusap ang tungkol sa isang tradisyon sa Panay kung saan itinatago sa lipunan ang anak ng isang pamilya, sa kadahilanang ito, ay nagiging maputi ito, iba sa kulay ng tipikal na Pilipino, at siya raw ang pinakamaganda sa tribo. August 25, 2010, kinumpirma ito sa akin ni John Torres.

Noon pa ma'y nababasa ko na ang tungkol kay John Torres, sa dami ng nabasa ko tungkol sa kanya at sa mga gawa niya tulad ng Todo Todo Teros at Taon Noong Ako'y Anak sa Labas, mas lalo akong nahihiwagaan sa kanya. Unang beses kong makanood ng gawa niya. Isang kakaibang karanasan ang panonood ko sa UP Film Center ng Ang Ninanais.

Ang pelikula ay isang modernong paglalahad ng kwento ng mga Binukot (Binakod ang ginamit na termino sa pelikula) at ng epiko ng Hinilawod na ikinukwento ng mga Binukot sa kanilang tribo kapag handa na nilang ilahad ito. Sa isip-isip ko, marahil malungkot maging isang Binukot. Mabubukod ka sa lipunan ng napakahabang panahon para lang mag-kwento ng isang napakalungkot na kwento. At ang kalungkutang iyon ay nadama ko sa pelikula.

Doo'y may ilan ding paglalahad sa kasaysayan ng Panay. O marahil ang buong pelikula ay paglalahad ng kasaysayan. Ang malaking baha at ang dahilan ng pagkawala ng mga Binukot. Maganda rin ang mga tulang binasa. Lalong dumagdag sa bigat.

Kung sa istilong ginamit, ang pelikulang ito ay naiiba sa ibang pelikulang napanood ko na. Marahil kung meron mang katulad nito, ay malamang di ko pa nakikita. Ngunit masasabi ko na ito ay isang dagdag pagunlad sa istilo at sa mismong pelikulang Pilipino. Malaman at hindi lamang teknikal. Kung sa akin lang, dapat ito mapanood ng mas maraming Pilipino.

Refrains Happen Like Revolutions in a Song, ito ang isa pang pamagat ng pelikula. Kung titignan sa pelikulang ito, maraming biglang pagbabago sa daloy, parang refrain sa isang kanta. Pagbabago ng notang gagamitin, ng chord, ng tono, pero nasa iisang pyesa pa rin. Magkakaugnay. At isa lamang ito sa mga nakita ko sa pelikula: ang pagkakaugnay ng nakaraan at kasalukuyan.

Sa katotohanan, kung ano ang nilalahad o nais ilahad ng pelikulang ito, ay hindi ang tunay na inilalahad ng bawat salitang maririnig. Si Torres na rin mismo ang nagsabi na kapag ang Ilonggo ang nanood nito, mawawasak. Dahil iba ang subtitles sa salita. Ngunit, ang ginawa ni Torres ay lampas pa sa mga salita. Mas mabigat ang sa damdamin. Muli, ang pelikulang ito ay isang tagumpay.