Sunday, June 27, 2010

Independencia (2009)



Direktor: Raya Martin
Runtime: 77 mins
Mga Nagsiganap:
Sid Lucero
Tetchie Agbayani
Alessanda De Rossi
Mika Aguilos

Sa lahat na marahil ng napanood ko nitong nakaraan, Independencia na marahil ang ang pinaka- hindi-independent sa lahat ng independent films na napanood ko. Ito ay sa esensyang literal.



Marahil, kung papipiliin, ay maaaring hindi pinili ni Martin na ganapin sa isang studio ang set ng Independencia. Pero, marahil din, ang paggamit ng studio ay kaniyang creative decision at maaaring hindi dahil sa kakapusan ng pondo. Ganoon ko nakikita ang pelikula.

Noon pa man, palaging may kakaibang pakiramdam ako tuwing nanonood ako ng pelikulang ginawa sa isang studio. Noon ay sa Hollywood, ngunit ang teknikong ginamit ni Martin sa pelikulang ito ay kawangis ng mga nasa pelikulang Hapon noong 50's o 60's at sa pelikulang Tsino naman noong 70's.



Tungkol ito sa buhay ng isang mag-ina (Sid Lucero at Tetchie Agbayani) na nagtago sa kagubatan nang panahon ng pananakop ng Amerikano sa Pilipinas. Doo'y sinisikap nilang umayon sa buhay hanggang matapos ang kaguluhan sa kabihasnan. Sa kanilang pamumuhay ay natagpuan nila ang isang babaeng walang malay (Alessandra De Rossi) at pinatuloy sa kanilang tahanan.

Matagumpay ang pagpapasaganap ng bawat eksena. Tulad nga ng sinabi ko, ito marahil ang pinaka-hindi-independent dahil na rin sa mahirap kumilos sa isang lugar na limitado. At ang limitasyong iyon ay nahigitan ni Martin. Isang magandang halimbawa nito ay nung naliligaw ang karakter ni Sid Lucero sa gubat. Maayos ang pagkakalahad, maaaring may katulad na eksena ito sa ibang pelikula (naliligaw at bumabalik sa dating lugar), ngunit naiiba ang pagkakagawa sa eksenang ito.

Mahusay din ang pagkakaganap ng mga tauhan, lalong lalo kay Tetchie Agbayani. Ang paggamit ng wikang tagalog ay sadyang napakahusay.



Napansin ko din na tunguhin nito na ipakita ang kultura't paniniwalang katutubo sa Pilipinas. Nariyan ang mga aswang, ang pagbaliktad ng damit, at ang mga pamahiin. Ang sa akin lamang ay kailangan pa ng unting paglilinang sa aspetong ito kung sakaling uulitin ang kaparehong tema.

Tunay ngang isa ito sa mga pinakamagandang gawa mula sa nakaraang taon. Ang ninanais ko lamang ay mapanood nawa ito ng mas marami pang Pilipino.

Love Letter

been reading articles at Criticine for a while now, and I saw the Love Letter segment there, so I decided to make one with the same format as I saw. I just hope I'm doing it right. Thanks for taking your time reading this.

-----------------

Dear Alexis,

No, you don't know me. But I do know a part of you from your writings and from writings about you. I'm just another film buff who follows every critic like you who writes their views on cinema. It is such a shame for me getting into films just now.

Cinema, as mentioned by my classmate, Mikey Yalung a month before, might be the purest form of art. It's beautiful, adorable, lovable. Un Chien Andalou is my first love, with beauty that can't be put into words. Thanks to the film makers that they were never selfish to share that beauty to the world, and thanks to the critics and analysts that they point people out what the most beautiful of these beauties.

It's a good thing to know that such beauty exists in this economically-deprived country of ours. It was again thanks to critics like you, that I've been seeing beauty in the eyes of Filipino artists. Critics being there to support our own artists is just a great sight, we just hope that the government would have love for cinema as big as people like you.

Because of this love of mine, I started writing again: though Kawts Kamote is not that famous, at least I've been trying my best to share my views. Furthermore, I also began making my own digital films. On my short film-making experience, there was rejection and acceptance. I would never forget which of my works has been rejected on a certain competition. I would never forget how Jonas Mekas has liked one of my works that has competed at an online film festival. And I would never forget the way John Torres reacted upon seeing my work for Kontra, I still don't know if he liked it or not.

Thanks to you Alexis, an understanding between Lav Diaz' films and my consciousness have been established. His films, though most of the times depressing, are enlightening. Thanks to Noel Vera for suggesting Pangarap ng Puso and for letting me know the cinema of Mario O'Hara deeper. Thanks to Oggs Cruz, Richard Bolisay and Dodo Dayao for their support to our artists by letting their works be screened once a month at the Tioseco-Bohinc film series. Thanks to Whammy Alcazaren and the rest of UP Cinema for publishing KinoPunch (if I'm not mistaken, the only magazine in the Philippines devoted for cinema alone). Thanks to those film makers whose works I love: Kidlat Tahimik, Lav Diaz, Raya Martin, Khavn dela Cruz, Mike De Leon, Mario O'Hara, I hope to see more from you (I'm still hoping that Mr. de Leon would make a new film). To the late Masters: Lino Brocka, Ishmael Bernal, Joey Gosiengfiao; thanks to the inspiration to the new generation. And thanks to the new breeds of film makers and film-makers to be: never stop dreaming.

I write, but I would never admit that I'm good at it. I don't know if people would understand where I'm heading to. I just hope that this letter would reach you. If so, please tell me your views about it: kung wasak ba o hindi.

It's such a shame that I haven't got a chance to meet you while you're still around. But then again, it was thanks to you, and all the other heroes, that Philippine cinema is being saved.

with respect,
Epoy.

Thursday, June 24, 2010

Serafin Geronimo, Ang kriminal ng Baryo Concepcion (1998)



Direksyon: Lav Diaz
Runtime: 110 mins
Mga Nagsiganap:
Raymond Bagatsing bilang SERAFIN
Angel Aquino
Tonton Guttierez

Sa kabila ng maliit na budget at panggigiit ng kontrol ng production company, isang malaking tagumpay para kay Lav Diaz ang pelikulang Serafin Geronimo: Ang Kriminal ng Barrio Concepcion. Ito marahil ang kaniyang eksperimentasyon sa lahat ng kaniyang mga kakayahan mula sa pagsusulat at sa lahat ng kaniyang natutunan sa taon ng pagaaral ng pagpepelikula. Ito marahil ang naging pundasyon ng kaniyang mga sumunod pang mga obra magpasahanggang ngayon.



Naroon ang mga kaparehong tema sa ilang mga obra ni Diaz: ang paghahanap ng katarungan, ang pangaapi ng makapangyarihan, at ang pagbanggit sa rebolusyong-bayan ng kilusang makakaliwa. Namumukod tangi rito ang pagganap ni Raymond Bagatsing bilang Serafin: isang naiibang katauhan na hindi na hindi ko na muling nasilayan sa iba pang mga pelikula.

Tungkol ito sa pag-amin ni Serafin sa isang krimeng kinasangkutan niya. Isang pagdukot sa asawa at anak ng isang mayamang negosyante na nagtungo sa isang madugong katapusan. Alam na ng madla ang nangyari: namatay ang lahat ng kasangkot maging ang mga biktima. Ngunit, inilahad ni Serafin ang lahat ng mga detalye na kaniyang nalalaman.



Ito na marahil ang pinaka-magaan sa lahat ng pelikula ni Diaz. Sa lahat ng akda niyang aking napanood, ay ito lamang ang may masayang katapusan. Hindi nakapanlulumo. Ngunit, ito rin marahil ang pinaka-bayolente dahil sa pagpapakita ng mga eksenang tortyur.

Kapuna-puna rin ang paggamit ng hindi lang iisang istilo dito. Hindi lamang long shots na madalas niyang ginagamit ngayon ang makikita rito. Maganda rin ang paggamit ng hindi-linyar na paglalahad ng kuwento.



Dama mo ang pag-bagabag sa konsensya ng bida. Kaya rin siguro ito nakakagaan sa damdamin dahil ang pelikulang ito ay tungkol sa pag-amin. Madali akong madala sa kuwento, kaya naman nailagay ko agad ang aking sarili sa kalagayan ng mga tauhan. Tulad nga ng naisulat ko na mula sa mga iba pa niyang pelikula, kompletos recados na ang mga gawa ni Diaz. Hindi bitin sa teknikal, estetikal, at esensyal na aspeto. Isang matagumpay na paunang pelikula mula kay Diaz.

Industrial Symphony No. 1: The Dream of the Broken Hearted (1990)



Direksyon: David Lynch
Runtime: 50 mins
Mga Nagsiganap:
Laura Dern bilang Heartbroken Woman
Nicolas Cage bilang Heartbreaker
Julee Cruise bilang The Dreamself of the Heartbroken Woman

Fan na ako ni David Lynch simula nung mapanood ko yung Eraserhead. Lahat ng pelikula niya (mapa-surreal o hindi), may kakaibang ambience. Nagtataka pa din ako kung papaano nagawa ni Lynch ang Straight Story, isa sa mga paborito ko, at marahil isa rin sa mga hindi sikat niyang gawa. Wild at Heart marahil ay isa sa kaniyang pinakamatagumpay na gawa, nagkamit ito ng karangalan sa Cannes noong 1990. Simula noon ay naging madalas na ang pagsali ni Lynch sa patimpalak.



Hindi ko alam kung sinasadya, ngunit halos magkapareho ang karakter nila Nicolas Cage at Laura Dern sa Wild at Heart at Industrial Symphony No. 1. Ngunit, hindi kagaya ng Wild at Heart, hindi ang mga karakter ang naging tampok dito ngunit ang panaginip ng karakter ni Dern.



Napagisip-isip ko na ang Industrial Symphony No. 1 marahil ang magiging resulta, o magiging malapit na resulta, kapag gumawa si Lynch ng isang stage play. Tulad nga ng nabanggit ko na, may kakaibang ambience ang mga gawa ni Lynch, na kapag napanood mo, ay sigurado ka na siya ang gumawa. Ang ambience na ito ay marahil dulot ng obsesyon ni Lynch sa panaginip. Maging sa The Elephant Man, ay kapansin-pansin pa rin ang istilo kahit walang dream sequence.



Ang Industrial Symphony No. 1 ay ang pagpapakita ng panaginip ng karakter ni Dern matapos na masaktan sa pakikipaghiwalay ng kaniyang ka-tipan. Nagpapakita ng mga imahe na simbolikal sa kalungkutan. Kasama na din ang mga awit at musiko na nagpadagdag sa kabuuang karanasan sa pelikula.

Masyado itong nakakadala, kahit na may ilang hindi maintindihang parte sa mga linya ng mga nasa panaginip, dama mo pa rin kung ano ang gustong ipahiwatig. Maging ako man, mabigat ang loob matapos manood.



Hindi ito dapat panoorin ng mga wala pang karanasan sa iba pang pelikula ni Lynch. Ito marahil ay ginawa para doon sa mga nakakaunawa na ng kaniyang estetika.

The Holy Mountain (1973)



Direksyon: Alejandro Jodorowsky
Runtime: 114 mins
Mga Nagsiganap:
Alejandro Jodorowsky bilang THE ALCHEMIST
Horácio Salinas bilang THE THIEF

Kung ako ang papipiliin, ayoko maging kasing-hawig ng popular na imeheng representasyon ni Kristo. Sa totoo lang, hindi ko alam kung maganda bang maging ganon o hindi.



Ang Holy Mountain ay isang pagsubok ni Jodorowsky na talakayin ang relihiyosong panatisismo, neo-kolonyalismo, eksistensyalismo at klasikong kanluraning pilosopiya sa pamamagitan ng mga teknikong mala-Surrealismo sa pelikula. Kilala bilang isa sa mga nangungunang tagasulong ng Surrealismo sa Latin-America, isang malaking tagumpay ni Jodorowsky ang pelikulang ito.



Hindi ko ito maaaring maihanay sa mga nauna na at kilalang pelikula sa larangan ng Surrealismo tulad ng L'Age D'or (Salvador Dali at Luis Buñuel), Eraserhead (David Lynch), at Neko Z Alenky (Jan Svankmajer) kaya ko ito tinawag na mala-Surrealismo lamang. Malinaw ang pagtalakay ng pelikulang ito sa Eksistensyalismo. At namumukod tangi rin ang pampolitikang kiling ng pelikula.

Tungkol ito sa isang lalaking kamukha ni Kristo na nagdaan sa kung ano-anong mga bagay. Nakasalamuha ang mga panatiko, ang mga nilalang galing sa ibang planeta, at pilit na hinanap ang sagradong bundok sa tulong ng isang lalaki na nakatira sa isang monolito.



Hindi ko lamang alam kung sino ang nauna, ngunit may pagkakatulad sa kagandahan ng production design at tekniko si Jodorowsky at Dario Argento sa pelikulang ito. Marahil ay dahil siguro sa kaparehong rehiyon sila nanggaling. Kung sa bagay, may iilan ding mga telenovela doon na maganda rin ang production design.



Ang pelikulang ito ay nangangailangan pa ng matindihang pagsusuri sa kadahilanang marami itong gustong sabihin sa loob lamang ng humigit kumulang 90 minuto. Sa kabila noon, nanatili itong isang tagumpay.

Citizen Dog (2004)



Direktor: Wisit Sasanatieng
Runtime: 100 mins
Mga Nagsiganap:
Mahasamut Boonyaruk bilang POD
Saengthong Gate-Uthong bilang JIN
Sawatwong Palakawong Na Autthaya bilang YHOD

Lagi na lang ako may nakakalimutan tuwing nanonood. Isa na dito ang pagpapaalala sa aking sarili na ang isang pelikulang Asyano ay hindi dapat pinapanood ng may pamantayang kanluranin. Sasakit lang ang ulo mo.



Si Pod (Mahasamut Boonyaruk) ay nanggaling sa probinsya at nangarap din na makipagsapalaran sa lungsod para sa mas maginhawang buhay. Doon ay nagpapapalit palit siya ng trabaho ayon sa sitwasyong kinabibilangan niya. Noong una ay isa siyang taga-lagay ng sardinas sa lata sa isang pagawaan, pangalawa ay naging isang Security Guard, at pangatlo ay isang taxi driver.

Hindi mo pwedeng asahan ang pare-parehong tema sa pelikulang Thai. Hindi lahat ng inilalabas doon ay Horror, kahit na doon sila mas nakilala. Sa lahat ng pelikulang Thai na napanood ko ay isa ito sa mga nagustuhan ko. Maraming eksenang hindi inaasahan. Kakaiba sa lahat. Maging siguro Hollywood ay hindi makakaisip ng kuwentong kasing gulo nito.



Kapansin-pansin sa teknikong ginamit ang impluwensyang Pranses. Halos nagkapareho sa pagkukwento sa Amelie ni Jean Pierre Jeunet. Maging sa production design at sinematograpiya. Sa kabila ng ganitong impluwensya ay hindi nawalan ng pagkakakilanlan ang pelikula dahil sa mga elementong Thai na naririto.



Masaya at magaan sa pakiramdam. Isang pelikulang maaaring panuorin sa oras ng kalungkutan.

Hubad sa Ilalim ng Buwan (1999)



Direktor: Lav Diaz
Runtime: 122 mins
Mga Nagsiganap:
Klaudia Koronel bilang LERMA
Elizabeth Oropesa bilang CLARA
Joel Torre bilang LAURO
Isabel Granada bilang AGNES

Namumukod tangi ang Hubad sa Ilalim ng Buwan sa lahat ng gawa ni Lav Diaz. Ang naging tunguhin lamang ng pelikulang ito ay ang ugnayang pampamilya, kaya naging napakapersonal na gawa ito. Ito ang isang gawa niya na hindi mo basta-basta maikukumpara sa iba pang mga pelikula.



Si Lerma (Klaudia Koronel) ay lagi na lamang naglalakad ng tulog kaya napagdesisyunan ng kaniyang mga magulang na ikandado ang kaniyang kuwarto tuwing gabi. Sa kanilang paglipat na muli sa kanilang dating tirahan ito nagbalik, kaakibat nito ang pagbabalik ng kanilang mga dating alalalahanin, problema, at suliranin sa sarili, pamilya at sa pakikitungo sa iba.

Nagtuon ang pelikula ng pokus hindi lamang sa pangunahing karakter, ngunit maging sa iba pa. Isa itong pinabigat na dramang-pampamilya. Pamilya ang isang isyung mahilig pagtuunan ng pansin ng mga Pilipino. Maging masama man ang tunguhan o hindi.



Ang mga simbolismo sa pelikula ang kumatawan sa bawat katauhan, sa simula pa lamang ay makikilala mo na kung anong uri ng mga tao sila. Isa iyon sa kagandahan ng estetika ni Diaz, hindi mahirap unawain. Talagang inilalapit niya ang kaniyang kaisipan sa kaisipan ng madla. Walang katotohanan ang mga paratang tungkol sa elitismo ng kaniyang mga pelikula. Kung tutuusin, mas masa pa ang mga akda niya kaysa sa mga bagong usbong na mga mamemelikula.



Kung sa tuwiran ay marahil talagang sasabihin nating personal na kuwento ito. Sa aking palagay, ay nangangailangan pa ito ng mas masusing pagsusuri dahil sa katauhan ng iba pang pelikula ni Diaz, ay marahil may iba pang gustong sabihin ang pelikulang ito.

Monday, June 14, 2010

Noli Me Tangere (1961)



Direksyon: Gerardo De Leon
Runtime: 180 mins
Mga Nagsiganap:
Eduardo Del Mar bilang CRISOSTOMO IBARRA
Edita Vital bilang MARIA CLARA
Oscar Keesee bilang PADRE DAMASO
Leopoldo Salcedo bilang ELIAS

Nagbalik si Crisostomo Ibarra sa Pilipinas makaraan ng ilang taon sa Europa nang mapag-alaman nitong namatay na ang kaniyang ama. Maraming misteryo sa kaniyang pagkamatay. Unti-unti, nalaman niya na hindi lang sa misteryo ang dapat niyang pagtuunan ng solusyon. Magkaugnay ang pagkamatay ng kaniyang ama sa kasalukuyang kalagayan ng kanilang bayan.



Nainggit ako nung mapanood ko ito: ibang iba ang henerasyon nila sa akin. Gusto kong magbalik kung saan ang mga tao matatas pa managalog. Yun bang pangkaraniwan lang ang mga ganitong sulatin sa purong tagalog.

Pero lahat nagbabago, kapansin-pansin din ang kaibahan sa tekniko ng pagsasalin, pagsasadula, at pagdiderehe kaysa sa panahon ngayon. Tuwiran man ang pagkukwento, hindi naman naisantabi ang iba pang mahahalagang tauhan. Nabigyang katarungan ang kuwento ni Sisa at ang kaniyang mga anak; si Elias, ang rebolusyon at ang mga rebolusyonaryo; ang mga Ibarra at si Padre Damaso; at ang pag-iibigang Crisostomo at Maria Clara.



Mayroon siyang pakiramdam na wari'y isang film-noir. Hindi ko akalain na ang mga bisyong ganito ay namayani na sa ating mamemelikula noon, tama nga na hindi dapat mamaliitin ang mga Pinoy ng kahit anong panahon. Maganda ang production design, musika, sinematograpiya, halos perpekto ang pelikula. Ganun din, ang mensahe ni Rizal ay nandoon: ang pamimili sa pagitan ng absolutong kalayaan at pagiging probinsya ng Espanya. Isang pagtindig na hindi kailan man nailinaw ni Rizal sa bansa.

Tama nga rin, na hindi dapat na umasa ako ng kahit ano sa isang pagsasalin. Nabasa ko ang aklat, at hindi ko inaasahan ang kagandahang hatid ng pelikula.




Babae sa Bubungang Lata (1998)



Direktor: Mario O'Hara
Runtime: 105 mins
Mga Nagsiganap:
Aya Medel bilang TOYING
Mike Magat bilang MALDO
Anita Linda bilang AMAPOLA

Hindi ako madalas manood sa teatro, kaya di ko alam kung ano ang uso, ang kontemporaryo, ang pangit at maganda. Kaya kung manood man ako ay hindi ako nagkikritiko. Wala akong alam sa teatro, kinakain ko lang kung ano man ang isubo nila sa akin. Para sa kin naman, iba ang pagkikritiko sa mga bagay-bagay. Iba sa aklat, teatro at pelikula. Kaya ang mga salin sa pelikula ay kinikritiko ko bilang pelikula at hindi bilang salin sa pelikula.



Ang Babae sa Bubungang Lata ay salin ni Mario O'Hara sa pelikula ng "Bubungang Lata", isang dulang pang-teatro ni Agapito Joaquin. Kuwento ito ni Maldo(Mike Magat), isang stunt-man na nangangarap maging sikat na artista sa hinaharap; at ng kaniyang asawang si Toying(Aya Medel). Hindi sapat ang kinikita ni Maldo sa pagiging stuntman, kaya sa tuwing may pagkakataon, lingid sa kaniyang kaalaman, ay nagpapabayad si Toying upang ipagamit ang kaniyang katawan sa ibang lalake para may pantustos sa araw-araw.

Hindi madaling panoorin ang pelikulang ito. Masakit sa lahat ng pandamdam. Tulad nga ng nabanggit ko sa rebyu ng Lola (Mendoza, 2009), kapag katotohanan ang pinakita sa pelikula, hindi maganda kadalasan. Maraming tagni ng katotohanan sa Babae sa Bubungang Lata: nandiyan ang pag-aaway ng mag-asawa, ang mga naninirahan sa sementeryo, ang pagkapit sa patalim, at ang kawalan ng hanap-buhay. Kapansin-pansin ang pagbibigay diin sa mga nagsisipag-hanap-buhay sa noo'y papahina nang industriya ng pelikula sa Pilipinas.




Kung tutuusin, ang pelikulang ito ay isang himala. Ayon sa mga impormasyon, ang mga pelikulang ginawa sa ilalim ng Good Harvest productions ay binibigyan lamang ng 2.5 milyong budget at sampung araw ng produksyon. Ang makagawa ng pelikulang siksik sa laman sa kabila ng lahat ng limitasyon ay isang mahirap na hamon, na napunan naman ni O'Hara sa dito. Maaari kong sabihin na isa siyang tunay na alagad ng sining.

Hindi tulad dati, ang nailalabas na lamang na pelikula mula sa Pilipinas mula sa mismong industriya ay umiikot lamang sa humigit kumulang 40 pelikula. Naipakita ng pelikulang ito ang kalunos-lunos na naging kalagayan ng mga kaliliitang nagtatrabaho sa industriya at ang maaaring kahantungan ng kanilang mga kabuhayan at pamilya. Na sa kalaunan ay lumalala lamang sapagkat hindi nabibigyang tugon.




Kahit na nasa ilalim ng isa sa mga maimpluwensyal na pangalan sa industriya, naging matapang ang pelikulang ito sa paglalahad ng kung ano mang kalagayan nila sa pangkasalukuyang sistemang pinaiiral.

Thirst (2009)



Direktor: Chan-wook Park
Runtime: 134 mins
Mga Nagsiganap:
Kang-ho Song bilang SANG-HYEON
Ok-bin Kim bilang TAE-JU

Hindi ako tagahanga ng mga pelikula tungkol sa mga bampira. Hindi ko gaano nagustuhan ang Bram Stroker's Dracula (Coppola, 1992), sakto lang ngunit wala naman akong reklamo sa Shadow of the Vampire (Merhige, 2000) at Martin (Romero, 1977) at ni minsan ay hindi ko nabigyan ang sarili kong mapanood ang dalawang bersyon ng Nosferatu (Murnau, 1922; Herzog, 1979), at lalong hindi ako gusto ang Twilight at Underworld series. Binigyan ko ng pagkakataon ng Thirst sa parehong dahilan ng panonood ko ng Dracula at Shadow of the Vampire.



Isa sa mga pinakaabangang tampok sa Cannes noong nakaraang taon ay ang pinakabagong gawa ni Chan-wook Park. Labis ko noong nagustuhan ang mga nauna niyang gawang Old Boy (2003) at Sympathy for Lady Vengeance (2005), kaya nagpasya akong panoorin to.

May isang bagong sakit na kumakalat na walang kalunasan. Isang pari ang nagpasyang tumulong sa eksperimento sa Africa tungkol dito. Boluntaryo siyang nagpahawa upang malaman ang kalunasan. Sa kabila ng kawalang-pag-asa, himalang gumaling ang pari, kung sikolohikal lamang ba ang paglunas o dahil sa pananalig ay hindi nila alam. Sa pagdaan ng araw ay nalaman niyang ang paglunas ay dahil sa kakaibang kalagayan niya, ngunit kailangang umiinom siya ng dugo upang magtuloy-tuloy ang pagiging maayos na kondisyon. Naging sensitibo na rin ang pari sa araw at nagkaroon ng kakaibang lakas. Isang dating kababata ang muli niyang nakasalamuha, at doo'y nagkaroon siya ng relasyon sa asawa ng kababata.




May mga elemento sa pelikula na nagkapareho sa Old Boy tulad ng sex at karahasan. Ngunit nagustuhan ko ang ambience ng pelikula, hindi komportable. Kawalang-kapanatagan. Para bang may mga mangyayari lagi. Hindi mabilis ang phasing ng timeline, pero mabibilis ang mga pangyayari. Walang malamlam na mga sandali.

Pero kung tutuusin, nalala ko ang Twilight sa panonood nito. Para siyang mas tapat na paglalahad ng kuwento ng Twilight. Kuwento ng isang bampirang ipit sa abstinence at sa kanyang malanding syota. Napakatapat (haha).




Maganda ang naging resolusyon ng kwento. Hindi man nalutas ang mga dating isyu, nalunasan naman ang mga darating pa. At sa kabuuan, maihahanay ko ang pelikulang ito sa ayos na. Hindi siya kasing lakas ng Old Boy, ngunit kahit papaano, may sinasabi.

Lola (2009)



Direksyon: Brillante Mendoza
Runtime: 110 mins
Mga Nagsiganap:
Anita Linda bilang LOLA SEPA
Rustica Carpio bilang LOLA PURING
Ketchup Eusebio bilang MATEO
Jhong Hilario bilang BEBONG

Problema sa kwento ang naging kagandahan ng Lola. Ang pinakaproblema: lahat ng karakter ay bida at kontrabida sa mga pinipiling pagkakataon. Ipinakita ang kagandahan at kapangitan ng bawat katauhan; ang kababawan at kalaliman. Kung ano ang problema ng bawat tauhan, ang hinihiling na katugunan, at kung ano ang nararapat para sa kanila.



Yun marahil ang naging kakaiba sa iba pang pelikula ni Mendoza. Sa katotohanan naman, lahat tayo ay biktima, lahat tayo ay inaabuso sa iba't ibang paraan. At tulad ng sinabi noon ni Mendoza sa isang panayam, nais niyang ipakita sa kaniyang mga pelikula ang katotohanan. Isang bagay na pilit nating kinakalimutan na tayo ay naaabuso at nangaabuso, naloloko at nanloloko, ginagago at nanggagago. Ngunit, tulad din ng nakukuha ko sa mga gawa niya, hindi tao ang may sala, ngunit ang sistemang nilikha niya na akala niya ay maganda, at ngayo'y siya na ang nililikha. Ang sistema ng naghaharing-uri at uring-maralita. Ganon naman lagi.

Kuwento ito ng dalawang lola: si Lola Sepa(Anita Linda) ay namatayan ng anak nang masaksak matapos pagnakawan; si Lola Puring(Rustica Carpio) naman ang lola ng suspek (Mateo, ginanapan ni Ketchup Eusebio) sa kaso ng anak ni Lola Sepa. Kapwa mahirap: si Lola Sepa nakatira sa bahaing lugar na namomroblema sa pambayad sa punerarya, at si Lola Puring naman ay ilegal na nagtitinda ng mga gulay sa bangke-bangketa kasama ang kanyang apong si Bebong(Jhong Hilario). Ipit sa sitwasyon, si Lola Sepa ay naghahanap ng katarungan at si Lola Puring naman ay nagnanais na makasama na ang apo niya.



Hindi absoluto ang naging ganap ng bawat isa. Ang isa ay nagiging kontrabida sa isa. Sa huli, tulad ng maraming sitwasyon at problema sa katotohanan, lahat ay naaareglo, naaayos, at napapakiusapan. Isang isinadulang katotohanan.

Kapansin-pansin sa pelikula ang paggamit ni Mendoza ng mga non-actors sa mga maliliit na ganap. Hindi ko alam kung dahil iyon sa limitadong budget ng pelikula, pero, isa iyon sa mga naging kahinaan ng pelikula. Na imbes na maging makatotohanan ang naging ganap ay sumobra. Naalala ko tuloy ang sitwasyon sa Noriko no Shokutaku (Shion Sono, 2005), na kung ikaw artista, paano mo gaganapan ang isang karakter kung ang karakter na ito ay ang sarili mo? Sa kaso ng pelikulang ito, may mga piling tao ang napiling ganapan ang sarili nila ng hindi maayos. Marahil ay hindi iyon napansin sa ibang bansa, ngunit dito, pansin na pansin ng mga Pilipinong manonood.



Dahil nitong mga nakaraan ay madalas akong nanonood ng mga pelikulang may longshots at long takes na stagnant, medyo nahilo ako dahil hindi ko napaghandaan ang pelikulang ito. Nalimutan ko na madalas mag-hand-held si Mendoza. Masakit tuloy ng unti ang ulo ko. Noon pa ma'y iyon na ang napiling istilo ni Mendoza, na sa tinagal-tagal ko ng panonood ng mga gawa dito sa bansa, ay siya pa lamang ang nakakagamit ng matino.

Ang pelikulang ito ang isa sa dalawang surprize film ng 2009 Venice Film Festival (kasama ng My Son, My Son, What Have Ye Done ni Werner Herzog). Maganda naman na nagpaunlak si Mendoza ng isang maikling pananalita bago ang pagpapalabas ng pelikulang ito sa Shangri-La Plaza noong ika-12 ng Hunyo, 2010 bilang bahagi ng ika-15 French Film Festival.

Ang nauna kong puna dito ay parang hindi ito gawa ni Mendoza. Marahil ay dahil sa kakaiba ang ilang mga istilong ginamit (tulad nga ng paggamit ng non-actors sa mga maliliit na ganap), ang kagandahan, ay muling may sinasabi ang gawa niya. Depressing ang kuwento, hindi ito para sa mga naghahanap ng happy ending. Hindi maganda ang mga pangyayari, nakapanlulumo. Gayun pa man, hindi nabigo sa ninanais na ipakita ang katotohanan sa loob ng dalawang oras.

Friday, June 11, 2010

Last Life in the Universe (2003)



Direktor: Pen-Ek Ratanaruang
Runtime: 112 mins
Mga Nagsiganap:
Tadanobou Asano bilang KENJI
Sinitta Boonsayak bilang NOI

Ano nga ba'ng pakiramdam ng mamatay? Ito yung isang bagay na pinilit maabot ni Kenji (Tadanobou Asano). Nabasa niya daw na ang kamataya'y nakaka-relax. Kumbaga sa buong buhay niya, naging abala siya sa pagtungo sa kamatayan.



Hindi naman nalalayo ang buhay ni Kenji sa 'tin. Karamihan sa atin, nag-aaral, nagtatrabaho upang makapaghanda sa ating mga kinabukasan, security daw sabi ng iba. Ngunit, kung titignan natin ang esensya, pinaghahandaan lang naman natin talaga yung kamatayan natin. Kung saan, pinagiipunan pa natin maging mismo ang lupang paglilibingan sa atin.

Marami sa atin ang hindi nakakatagpo ng isang Noi(Sinitta Boonyasak), hindi tayo kadalasan nabubuhay para mabuhay. Kahit na sumapit ng isang matinding karanasan si Noi ay nagpumilit pa rin ito sa kaniyang buhay. Sa kabila ng isang kawalan ay nakatagpo siya ng bagong dahilan upang ipagpatuloy ang buhay, gayon din naman si Kenji sa kaniya.



Hindi tipikal ang kuwento ng dalawa. Walang aminan ng pag-ibig, walang kaugnayan. Ngunit may pagmamahalan. Bukod sa lahat, kuwento ito ng buhay. Buhay na pinuno nila para sa isa't isa.

Nakakaantig ang pelikula. Hindi teknikal, ngunit maayos ang teknika. Malaman ngunit hindi sa salita. Masyadong malapit sa katotohanan. Hindi ito para sa mga taong gustong mag-relax kaya nanonood ng pelikula. Para ito sa mga naghahanap ng kasagutan.



Hindi ko mahabaan ang aking sulatin sa pagkat, wala akong masabi. Ang kagandahan ng pelikulang ito ay maaring humigit sa mga salitang kaya kong banggitin.

Nothing (2003)



Direktor: Vincenzo Natali
Runtime: 90 mins
Mga Nagsiganap:
David Hewlett bilang DAVE
Andrew Miller bilang ANDREW

Sumasang-ayon ako sa mga nabasa ko, ang pelikulang ito ay isang pagsasapelikula ng ideyang iskeptikong ideyalismo. Kung saan umaasa nga tayo ngunit may halo pa ring pagdududa. Ito naman ang naging daloy ng buhay ng dalawang magkaibigan na iniwan ang mundo at namuhay sa kanilang mga sarili.



Ito ay kuwento ni Andrew at Dave. Si Andrew ay takot makisalamuha sa ibang tao, simula noo'y hindi na siya nagnais lumabas ng bahay at nagtrabaho na lamang bilang online travel agent. Ang tanging kaibigan at inaasahan niya ay si Dave. Katulad ni Andrew, wala ring may gusto sa kanya. Lagi siyang katatawanan ng kaniyang mga kasamahan sa trabaho. Namumuhay sila sa isang bubong. Pinaghahanap sila ng mga pulis sa kasalanang hindi naman nila ginawa, at malapit na ring gibain ang kanilang bahay; nang makalipas ng ilang saglit ay nawala ang mundo sa labas ng bahay nila at natira na lamang ang malawak na puting kawalan.

Isang magandang paghahalo ito ng komedya, unting drama at pilosopiya. Maaaring maalala ninyo na may kaparehong tema ang mga pelikula ng Monty Python. Hindi ko naman pinaghahambing, nagkataon lamang na nagkaroon sila ng pagkakapareho. May pagkakapareho din sa pinakasikat na gawa ni Natali, ang Cube, ang Nothing. Ngunit imbes na gamitin ay ang paulit-ulit na kwartong parisukat, ay naging isang malawak at puting kawalan na ito.



Mahirap ang naging teknika sa pelikula. Halos ang lahat ng eksena ay nakadepende lamang sa mga aktor at sa gagamiting kakaunting special effects. Natuwa ako sa mga nagsiganap dahil sa isang napakagandang pagsasadula ng bawat karakter.

Nakakatuwa din ang paggamit ng konsepto ng galit sa pagpapasakatuparan ng bawat kahilingan ng mga tauhan. Ngunit ang mensahe ng pagkakaibigan pa rin ang nanaig sa huli.



Payak lamang ang pelikulang ito. Sapat na upang ipamukha sa atin ang mga mahahalagang bagay na dapat nating pagtuunan. Ipinamukha nito sa akin na ang mahahalagang bagay ay hindi magagarbo, bagkos ay payak, ngunit, makahulugan.