Tuesday, May 18, 2010

Manoro (2006)



Direksyon: Brillante Mendoza
Runtime: 74 mins
Mga Nagsiganap:
Jonalyn Ablong
Edgar Ablong

Nitong nagdaang eleksyon, nagbago ang sistema. Nagkaroon tayo ng tinatawag na Automated Elections. Ako, bilang unang beses na botante, ay masasabi ko na mabagal at walang sistema ang nangyaring halalan. Ngunit, sa kadahilanang paunang beses pa lamang ito, ay pinapalampas ko na. Ang pelikulang ito ang nagbigay sa akin ng ideya kung gaano ang kalakaran sa lumang sistema ng halalan.



Ito ay isang simpleng paglalahad ng isang napakalaking responsibilidad. Si Jonalyn ay katatapos pa lamang ng elementarya ngunit inilaan na ang sarili sa paglilingkod-bayan nang napagpasyahang magturo ng pagbasa at pagsulat sa kaniyang mga kababayan dahil sa paparating na halalan kinabukasan. Habang nangyayari ito ang kaniyang ama naman ay hinahanap ang kaniyang lolo na umalis upang mangaso.



Nandoon pa rin ang mga standard aesthetics ni Mendoza: ang hand-held shaky camera, ang hindi paggamit ng musical scores, at ang pagsunod sa bawat karakter na nagpapakita ng perspektiba. Gustong gusto ko ang istilo niya ng paggamit ng long-takes sa pagpapakita ng emosyon.



Maikli lang ang pelikula, ngunit maraming sinasabi. Nandoon ang pagpapakilala ng kulturang Aeta, ang kakulangan ng pamahalaan sa sistema ng edukasyon, at ang pananagutan ng bawat mamamayan sa kanilang bawat karapatan. Nakakagalak na mayroon pala sa ting mga kababayan na gumagawa ng ganitong kalaking bagay, ang pagtuturo at pagbubukas ng kamalayan.

Monday, May 17, 2010

Circle of Iron (1978)



Director: Richard Moore
Runtime: 102 mins
Mga Nagsiganap:
David Carradine bilang ANG BULAG, TAONG-UNGGOY, KAMATAYAN, CHANGSHA
Jeff Cooper bilang Cord

BULAG: Minsan nang iniligtas ng isang isda ang aking buhay (A fish saved my life once.)
CORD: Papaano? (How?)
BULAG: Kinain ko siya. (I ate him.)


Hindi isang tipikal na obra ang Circle of Iron, pagsasapelikula ito ng mga aral na natutuhan ng dakilang martial artist na si Bruce Lee mula sa pilosopiyang Zen. Bilang mag-aaral ay hindi siya naging maramot sa pamamahagi ng kaniyang mga natutunan, sa kabila ng mga kritisismong nakuha.

Saklaw ng pelikulang ito ang mga tema ng paghahanap ng katotohanan. Ang bida na si Cord (Jeff Cooper) ay pinangalanan ding "The Seeker" sa pelikula. Hinahanap niya si Zetan (Christopher Lee), na siyang may hawak ng aklat ng mga kasagutan. Upang mangyari ito ay sumuong siya sa mga pagsubok. Sa paglalakbay ay nakilala niya ang isang bulag (David Carradine) na siyang naglalakbay din. Kaakibat ng pilosopiya ang unting martial arts, at pagdidiskurso sa mga bagay bagay na nararanasan natin sa araw araw.

Nakakalungkot nang mapanuod ko ang pelikulang ito. Dumaan ang panahon na napakarami nang nagawa na pelikula ngunit iilan lang ang nagawa na tulad nito. Isang pelikula na tumatalakay ng mga bagay na dapat nasa kaalaman at kamalayan natin. Hindi man pasabog sa special effects, pero hindi pilit ang pagbibigay ng pilosopiya ng pelikulang ito.



Naging tema na ng mga diskusyunan at debate, na ang pelikula ay dapat nakalilibang, at dapat magaan sa pakiramdam. Sabi nga ng isa kong kaibigan dati, noong panahon ng global financial crisis, maghi-hit ang mga "feelgood movies". Sa mahabang panahon, naging isang makinarya ng pagtakas sa katotohanan ang pelikula. Ngunit, hindi naman lumulutas ng kung alin, bagkos, nakakalala lamang sa kung anong kaisipan mayroon ang isang pangkaraniwang manonood. Dahil paglabas nila ng mga sinehan, wala pa ring nagbago sa kalagayan.



Ang Circle of Iron ay isang paghamon. Paghamon na tayo ay magbalik sa katuturan. Na maghanap tayong muli, ng mga kasagutan at katugunan sa lumalala nating kalagayan.

Wednesday, May 12, 2010

Cavite (2005)



Direksyon: Neill Dela Llana and Ian Gamazon
Runtime: 80 mins
Mga Nagsiganap:
Ian Gamazon bilang ADAM

Una sa lahat, binabati ko ang mga may-likha ng pelikulang ito dahil sa walang bahid na pagkakagawa. Isa marahil sa mga gawang maaaring ipagmalaki. Hindi halatang independent ang pagkakagawa.



Ito lang ang napuna ko: ang pelikula ay halatang ginawa para sa isang international festival, bakit? Sa kadahilanang may ilang mga bagay sa kultura at kalikasang Pilipino ang hindi isinaalang-alang. Una, ang gumanap na caller (Neill Dela Llana) ay walang puntong muslim. Alam naman siguro nating lahat na may iba-iba tayong punto (o regional slang) kada probinsya. Ikalawa, ang hindi matatas na paggamit ng wikang Filipino. Halata na Fil-Am ang nagsasalita.

Sa ganong lagay, ay hindi ko maaaring matawag na isang pelikulang Pilipino ang Cavite. Pero hindi yun naging hadlang upang magustuhan ko ang pelikula. Totoo, may mga parte sa panonood ko na natatawa ako dahil sa paraan ng pananagalog, kaya pinagtuunan ko ang mismong diwa at teknikalidad ng pelikula.



Ito ay tungkol kay Adam, isang Fil-Am na umuwi ng Pilipinas dahil sa isang family emergency. Kasama ng mga gumugulo sa isipan niya, pag-uwi niya ng Pilipinas ay nakatanggap siya ng isang misteryosong tawag mula sa isang lalaki na nagsasabing hawak niya bilang bihag ang kaniyang ina at kapatid at kailangang sundin niya ang kaniyang mga pinapagawa upang palayain ang kaniyang kapamilya.

Ang tema'y hindi talamak sa atin. Maging ang pagtalakay sa Isyu ng Abu Sayyaf at ang kanilang pakikipag-laban para sa Bangsa Moro ay hindi rin palasak. Maging mismo, ang usapin ng pagiging muslim. Ito ay labanan ng ideolohiya ng mga ekstrimistang ideya at makabagong ideya ng pagiging muslim.



Tulad nga ng sinabi ng iba nang kritiko, ang pelikulang ito ay pawang hindi gawa ng isang independent production. Parang mainstream hollywood. Pagpapalagay na, na ang mga mamimilikula ay Fil-Am, at lubog sa kulturang pampelikulang Amerikano. Ang hand-held style ay mainam na naipakita.

Mahusay din ang pag-edit. Mukhang gawa ng isang may karanasan. Isa itong magandang halimbawa ng low-budget film.



Kung tutuusin, ang mga style na ginamit ay palasak na. Nawa'y may makita muli ako mula sa mga may gawa nito na labas sa kahon ng pamantayang kanluranin.

The White Stripes Under Great White Northern Lights (2009)



Direktor: Emmett Malloy
Runtime: 92 mins
Mga Nagsiganap:
Jack White
Meg White

Mahigit kumulang limang taon na simula ng una kong napanuod ang The White Stripes sa MTV, simula noon naging tagahanga na 'ko. Sa lahat ng banda na nauso noong mga panahong iyon, namumukod tangi ang Stripes sa napakaraming kadahilanan.



Nagmula ang duo sa Detroit kung nila napasimulan ang Garage Rock Revival. Kilala sa paggamit at pag-innovate ng Blues, Electric Blues at Garage Rock. Binubuo ng "magkapatid" na sila Jack (sa vocals, gitara, at keyboards), at Meg White (sa drums, percussions at vocals). Kilalang kritiko si Jack White ng paggamit ng makabagong teknolohiya sa musika, sinasabing walang lumalabas na pagkamalikhain mula dito. Ang duo ay kilala sa mga simbulo na kulay pula-itim-puti, peppermint candy, at paggamit ng tradisyunal na instrumento sa mga concerts.

Ang pelikula ay nagdokumento ng Canada tour ng White Stripes, para sa pag-indorso ng kanilang album na Icky Thump at sa pag-diriwang ng ika-sampung taong anibersaryo ng duo.



Itinalakay ng pelikula ang maliliit na kapiraso ng buhay ng duo, mga karanasan sa buong sampungtaon ng paggawa ng musika.

Sa pagkapanuod nito, naalala ko ang music video nila ng You Don't Know What Love Is (You Just Do As You're Told) na dinerehe ni Sophia Coppola. Pareho ng style sa paggamit ng estetika, yung para bang sirang film o kuha sa Super-8. Ang kuha sa concerts ay mahusay, sa kabila nang hindi ma-kontrol ang ilaw, maganda ang kinalabasan ng bawat kuha.



May himig ng melancholia ang pelikula. Gawa na rin siguro ng pagninilay. Para itong pagbabalik-tanaw ngunit wala kang makikita mula sa nakaraan ng duo. Isa rin itong eksplorasyon ng kultura ng Canada. May isang bahagi doon na si Jack at Meg ay nakihalubilo sa mga katutubo.



Bilang tagahanga, isa pa ring surpresa ang malaman ang ilang bagay-bagay ukol sa banda. Na ang bawat concert ay walang line-up, ang mga pilosopiya ni Jack sa paggawa ng musika at marami pang mga bagay.

Si Emmett Malloy ay kilala sa kaniyang pag-direhe ng mga concert-documentary at music videos. Kaya hindi na nakapagtataka na maganda ang naging resulta ng pelikula.



Sa ngayo'y hinihintay na lang ng mga tagahanga ang susunod na hakbangin ng duo. Sa kadahilanang ang huling album ng Stripes ay noong 2007 pa. May mga balita rin na gagawa ng solo project si Jack. Hintayin na lang natin.

Wednesday, May 5, 2010

Sa Kabila ng lahat?

Nandito ako sa Infanta, Quezon sa mahigit dalawang linggo na. Sinusubukang mabuo ang isang dokyumentari tungkol sa eleksyon sa probinsya. Ngayon, hindi ko na alam ang susunod kong gagawin.

Maganda ang Infanta. Kumpletos rekados. May bukirin, dagat, bundok. Sikat dito ang lambanog. 15 pesos lang ang isang kasing laki ng bote ng Emperador. Pero, sa kabila ng kagandahan, hindi rin ganon kaunlad ang bayan ng Infanta. Pagpapatunay lang na kahit saan, ang gobyerno ay laging mali ang prayoridad. Tulad nga ng sabi ng isang kaibigan, madalas na ipinapagawa ng mga namiminuno dito, ay mga building. Hindi nila prayoridad ang agrikultura, kahit na agrikultural na bayan ito. Bakit? Hindi mo naman daw mailalagay sa dahon o sa ipa ng palay ang pangalan mo kung ginawa mo iyong proyekto. Maigi pa nga sa mga gusali, pwedeng pwede.

Halos nagkakahulma na ang dokumentaryo ko, may mga ideya na rin ako kung papaano ko ikukwento. Kaya lang, nitong mga nakaraang araw, labis akong nababagabag. Iniisip ko na wag na lang ipagpatuloy ito, sa katotohanan, ay nangungulila na 'ko sa mga nagmamahal sa akin sa lungsod. Hindi ko na tuloy mai-pokus ang sarili ko. Lagi ko na lang silang naiisip. Kaya lang, alam ko rin na kahit nalulungkot din ang minamahal ko sa pangungulila, ay ikalulungkot niya rin kapag hindi ko itinapos ang nasimulan ko na.

Hindi ko na alam ang gagawin ko. Mabigat ang dibdib ko. Mahirap pala malayo. Sobrang hirap. Minsan naluluha ako dito, pero gawa ng nahihiya rin ako sa iba, itinatago ko na lang sa sarili ko. Hindi ako ganon ka-tatag kaya ganon na lang ako kung makapangiyak.

Isa lang sana ang hihilingin ko, na nawa'y pagbalik ko, ay may babalikan pa ako. Na sana kapareho kami ng pananabik sa isa't isa. Na sana, yayakapin niya ako ng mahigpit at di na pakakawalan pa.