
Direktor: Sherad Anthony Sanchez
Runtime: 89 mins
Mga Nagsiganap:
Gigi
Marilyn Roque
Ronald Arguelles
Mangilan-ngilan na ring pelikula ang nagbukas ng paksa paukol sa epekto ng mga mandarayo sa kultura ng isang pook. Maraming dalang pagbabago ang isang mandarayo, sapagkat, sa kadalasan, ay hindi ang dayuhan kundi ang katutubo ang siyang nag-a-adjust para sa ikapapanatag ng dayuhan. Hospitality daw to, bastos ang hindi umayon. Avatar (2009, James Cameron) ang isa sa mga pinaka sikat na pelikulang tumukoy sa paksa. Kahit na halatang kinuha lamang ang kuwento nito sa Pocahontas, nandoon pa rin ang diwa; kung saan ang mga Na'vi ang kailangang makaalam pa ng wika ng mga dayuhang tao upang mapakitunguan siya nito ng maayos. Sa lokal naman, naitalakay ito sa mga paunang pelikula ni Kidlat Tahimik tulad ng Turumba (1981), kung saan ipinakita ang epekto ng modernisasyon at pangangapital sa kultura ng isang baryo.

Mapapansin natin ito magpasahanggang ngayon, ang pag-sang-ayon natin sa sinasabing "propesyonalismo" at pormalidad. Na ang Ingles ay isang wikang pormal samantalang balbal ang wikang katutubo. Maging sa paghahanap-buhay ay naaapektuhan ang bawat simpleng mamamayan sa kadahilanan ng kahinaan nito sa nasabing wika. Napararatangang bobo dahil sa hindi matatas sa wikang Ingles. Bakit nga ba tayo ang dapat na mag-bigay daan para sa kanila? Bakit ngayon tayo'y nagiging dayuhan sa sarili nating bayan?
Ang Balyan ay isa pang pagsasalin sa salitang Babaylan, ang pinaka-direktang pagsasalin ng Ingles na salitang Priestess. Isang puno at manggagamot ng isang lahi o tribo. Siya ang unang nilalapitan kapag may sakit ang isang tao sa baryo. May kaalaman sa herbal na panggagamot at takbuhan din ng mga may problema, at pangunang nagsusulong ng kulturang katutubo ng lahi na may kaalaman sa bawat gawi at ritwal na dapat sundin.

Apat ang mapapansin nating kuwento sa pelikulang ito, na umiikot sa tribo ng Buhi. Una ay ang kwento ng mga batang naglalaro, ng Isang sundalong nagmahal sa katutubo, sa mga rebeldeng NPA sa lugar, at sa sugatang Balyan na ina ni Valerie, ang katutubong minahal ng sundalo. Madalas na binabanggit ang pagkalimot ng mga katutubo. Nawawala na ang lahi ng Buhi dahil sa "pagbabagong" hindi naman nila hiningi. Matatas naman na nakikinig ang Sundalo sa bawat salita ng Balyan habang hinihintay nila ang pagbabalik ni Valerie. Ang mga rebelde naman ay pinamumunuan ng isang babae na nanlalamig na sa rebolusyon at sa kilusan. At may dalawang bata naman na walang pagod na naglalaro habang hinihintay ang kanilang ina.
Ito ang mga kuwentong umiikot sa Tribo Buhi. Na iisa ang layon na masabi: maipahatid ang nagiging epekto sa mga katutubo ng mga pagbabagong na nagdulot ng kalungkutan sa bawat isa sa kanila. Sa personal na pagtanaw, hindi ako naniniwala na patuloy ang pagbabago; nagbabago lang ang isang bagay dahil may bumabago dito. Lumuluma ang bago dahil sa panahon, at nagiging dayuhan ang katutubo sa sarili niyang kultura dahil sa mga kaisipang hindi nito kailangan ngunit pilit na ipinapasok sa isipan niya.

Nasabi ng Balyan, na bago dumating ang mga sundalo sa baryo ay iginagalang siya dahil na siya ang Balyan. Ngunit dahil kasabay na pagpasok ng mga sundalo ay pagpasok ng mga makabagong kaisipan, naging tampulan na ngayon ng katuwaan at tuksuhan ang Balyan, na ang mga awit nito'y tinatawanan na at hindi na binibigyang saysay ng mga katutubo.
Alam ko na hindi lahat kayo ay sasang-ayon, ngunit isa ako sa mga tumutuligsa sa batayan ng pormalidad at propesyonalismo. Nakita ko ang epekto ng modernisasyon sa kamalayan at kaisipan ng bawat isa. Inihuhulma nito ang isang tao na ikahiya kung sino siya, na hindi man lamang niya maaaring sabihin sa mundo kung saan siya nanggaling at kung ano ang kultura nila dahil sa magiging tampulan lamang ito ng katuwaan. Wala nang sumeseryoso sa kulturang katutubo. Maaaring mag-isa lang ako sa gantong kaisipan. Dahil ang iniisip lamang ngayon ng tao ay ang impresyon ng iba tungkol sa kanila, pagtanggap sa pagkataong hindi naman kanila, at sa pagkahiya sa sariling pinagmulan.
