Wednesday, March 31, 2010

Pangarap ng Puso (2000)





"Huwag kang pupunta doon, delikado, maraming sundalo."

Natawa ako nung narinig ko 'to, dahil maging ako, kapag may sundalo o pulis sa paligid pakiramdam ko ay delikado. Hindi naman sa wala na silang ginawang maganda, yun nga lang, kadalasan, marami silang ginagawang masama. Haha.



Kahit ganoon ang pamagat, ang "Pangarap ng Puso" ay isang kwento ng katatakutan. Kwento ito ng takot, sa totoo lang. Takot ng isang bata sa demonyo, at ang takot ng mamamayan sa mga naghahari-hariang sundalo. Lumaki si Nena (Matet de Leon) na kasa-kasama ang kanyang yaya na si Virginia (Eugene Domingo) na mahilig magkuwento sa kanya ng mga kuwentong demonyo at maligno. Noong bakasyon nila sa Negros ay palagi itong magkasama. Doon niya nakilala si Jose (Alex Alano) noong mga bata pa sila. Dumaan ang taon, nakapag-aral si Nena sa bayan, at nakatapos ng High School. Nagbakasyon siyang muli sa probinsya. At doo'y nagsimula ang lahat ng katatakutang nangyari gaya ng pagtutugis ng militar sa mga NPA noong isang araw na nagpapa-feeding program ang pamilya nila Nena.



Kritikal ang pelikula sa gobyerno at sa sistema nito sa kanayunan. Kung saan nag-aasal hari ang mga militar. Hindi rin naman nalalayo sa katotohanan, tulad nga ng nasabi rin sa pelikula: Tanong ni Nena, "bakit dumadami ang sundalo?", sagot ni Virginia, "dahil dumadami ang NPA, dahil dumadami ang naaapi."

Malaman ang pelikula sa mga linya. Dagdag pa ang paggamit ng mga tula nila Florentino Collantes at Amado V. Hernandez. Ang demonyo ay hindi literal kundi isang simbolismo sa kasamaan ng bawat isa.



Maganda at makahulugan ang paggamit ng still photos sa transition ng eksena, at maging sa pagkukwento. Kahit larawan ay may sinasabi. Tungkol sa buhay ng mga taga nayon, at sa mga pang-aaping nangyayari.

Sa kasamaang palad, ang pelikulang ito ay nagkaroon ng isang masamang karanasan nang isinara ang pagpapalabas nito matapos ng isang araw pa lang na pagpapalabas. Hindi man lamang nabigyan ng pagkakataon. Kung sa bagay, kahit ano mang bagay na kritikal sa gobyerno ay ayaw makita ng mga naghaharing-uri. Kaya minamarapat nilang huwag din itong makita ng mga masa upang hindi sila magkaroon ng ideya na mayroon palang pagsasamantalang nangyayari. At lahat tayo ay nagiging bulag.

Saturday, March 27, 2010

Live Show (2000)




Direktor: Jose Javier Reyes
Runtime: 105 mins
Mga Nagsiganap:

Paolo Rivero bilang ROLLY
Klaudia Koronel bilang GIGI
Ana Capri bilang ROSITA


Isa ako sa mga kritiko ng MTRCB, sa kadahilanang hindi naibibigay sa masa ang dapat nilang makuha sa isang pelikula. Hindi sila nagiging patas pagdating sa mga pelikulang Pilipino. Ang censorship ay isang napakalaking isyu sa mga alagad ng sining. Ang pelikulang ito ang isa sa mgahalimbawa ng hindi pagiging patas ng MTRCB.



Ano ba dapat ang makuha ng mga Pilipino? Isa sa mga mahahalagang punto ng paggawa ng likhang sining ay ang pagpapakita nito ng kalagayan ng kanyang sarili, lipunan at ng mga taong napabibilang dito. Lahat ng sektor, lahat ng panig. Inihahayag ng Live Show ang buhay ng mga puta sa perspektiba ng isang nihilistong puta. Ipinalabas ang pelikulang ito noong panahong nasa bingit ng panganib ang pelikulang Pilipino kung saan nagsiwalaan na ng tiwala ang mga producers, at ang karamihan ay naglalabas na lamang ng mga Action-Comedy, o mga pelikulang erotiko na hindi natin malaman kung may sining nga ba o sadyang malaswa lang.

Ipit ang pelikulang ito. Ipit sa panahong pinagdududahan ang kredebilidad ng mga artista at ang kanilang pagiging maka-sining. Nagdulot ng kontrobersya sa mga paglalahad nito. Noo'y wala sa kaalaman ng batayang masa ang tungkol sa torohan. Ngunit dahil dito, ay nagkaroon sila ng malay dito. Ano nga ba ang iniiwasan ng sensura: ang kalaswaan o ang kamalayan?



Ipinakita dito ang buhay ng isang puta na hindi pinagsisisihan ang kaniyang piniling landas. Aniya, mas mabuti na daw iyon, hindi sila nagnanakaw o nanglalamang; lakas ng sikmura lang ang puhunan. Ikinuwento ang bawat panig at uri ng isang puta. Mga nais umalis, mga pansamantala lamang na puta, at ang mga wala nang pag-asang nakikita na makatakas. May mga nasa torohan, may mga namamakla. Inilahad ang pagsasakatuwiran ng pagiging puta.

Hindi ko pa alam ang kasaysayan ng iskrip nito, pero malinaw na nailahad ang mga detalye, halos malapit na sa katotohanan. Maganda ang paglalahad ni Direk Joey Reyes sa kwento. At ang mga eksena ng pagtatalik sa pelikulang ito ay hindi ginawa para paganahin ang malilikot na kokote ng mga manonood. Hindi stimulating. Ito'y ginawa nang maayos at makasining. Halos wala nang pwedeng i-sensor sa pelikulang ito.



Isa sa mga responsibilidad ng isang artista ang pagmumulat sa mga tao sa sitwasyon. Maaaring direkta o hindi. Kung maging ito'y pagdududahan at pagbabawalan ng mga nagmamalinis na tao, mananatili tayong bulag sa tunay na kalagayan natin at ng ating mga kapwa.

Monday, March 22, 2010

Confessions of a Dangerous Mind (2002)



Direktor: George Clooney
Runtime: 113 mins
Mga Nagsiganap:

Sam Rockwell bilang CHUCK BARRIS
Drew Barrymore bilang PENNY
George Clooney bilang JIM BYRD


Si Chuck Barris ay isang TV producer na nagpasimula ng mga sinaunang "personal" game shows tulad ng The Dating Game, The Gong Show, the Newlywed Game atbp.



Ang pelikulang ito ay pagtatangka na ikwento ang buhay ni Barris ayon sa kanyang autobiography na may kaparehong pamagat. Na si Barris daw umano ay naglingkod sa CIA bilang isang assassin. Sa huli ay hindi naman ito kinumpirma ng CIA, at matapos na maipalabas ang pelikula ay lalo itong pinabulaanan ng ahensya.



Kung tutuusin, isang magandang mix-up ang isang pagiging tv producer at isang CIA secret agent. Nagawan ng paraan ng kwento na mailusot sa bawat detalye na posible ang maging ganoon. Si Charlie Kaufman din ang nagsulat nito, kaya asahan din ng mga hindi pa nakakanuod nito na kasing baliw din ito ng mga nauna na niyang naisulat.



Hindi ko akalain na epektibo pala si Clooney maging direktor, maihahalintulad ko ang kanyang directing styles kay Park Chan-wook sa ibang parte ng pelikula. Maganda rin ang teknik ng part-interview-documentary style na ginamit sa pelikula. Kung saan, nag-mukhang kapanipaniwala ang buhay ni Barris.

Isa pang nakatutuwang parte ng pelikula ay ang cameo ni Brad Pitt at Matt Damon sa Dating Game, kung hindi pa sinabi sa akin ng aking kasama ay hindi ko mapupuna.



Isa sa mga isyung tinalakay dito ay ang pagbaba ng kalidad ng kung ano man ang kayang ibahagi ng telebisyon sa kaniyang manonood. Na ginagawa na nitong bobo ang mga tao. Na ipinapaniwala sila na maaari kang sumikat sa saglit na pagpapakita mo sa telebisyon.

Monday, March 8, 2010

Ambisyon 2010 (2010)



Isa ito sa mga kaunting omnibus na naiproduce sa Pilipinas. Natutuwa ako at may mga nakakapagisip na makagawa ng ganito.

Heto ang mga listahan ng mga ipinalabas sa ABS-CBN

"Faculty" ni Jerrold Tarog
"Laro" (trailer) ni Emman Dela Cruz
"Habol Hinga" (trailer) ni Aissa Penafiel
"Da More Da Meniyer" ni Erik Matti
"Requiem for M" ni Kiri Dalena
"Hingalo"(trailer) ni Shinee Matutina
"Ganito Tayo Ngayon, Paano Tayo Bukas?" ni Jeffrey Jeturian
"Pusila"(trailer) ni Reymond Red
"Wasteland" ni Ellen Ramos
"Lupang Hinarang sa Sumilao" ni Ditsi Carolino
"Wala Akong Pakialam sa Demokrasya..."(trailer) ni John Torres
"Ang Assasination"(trailer) ni McRobert Nacario
"Ayos Ka!" ni Brillante Mendoza
"Wag Kang Titingin"(trailer) ni Pam Miras
"Telenovela ni Juan at Luzviminda" (trailer) ni Emerson Reyes
"Pandesal, Sardinas, Gatas" ni Jon Red
"(Hindi ko din nakuha yung title)" ni Gym Lumbera
"Wasteland(?)" ni Paolo Villaluna

Bawat isa sa kanila'y binigyan ng layang mamili kung anong topic ang gusto nilang gawan ng pelikula.

Para sa ki'y pinakanamukod tangi ang mga gawa nila Jon Red at Erik Matti (duon sa mga ipinalabas ng buo.) Pinakita sa Pandesal, Sardinas, Gatas ang kwentuhan ng isang lalaki at isang kusinero tungkol sa kasalukuyang estado ng Pilipinas at ng gobyerno, samantalang kay Matti ay umiikot sa paksang populasyon, hinimay dito ang pagkakaugnay ng paniniwalang pang relihiyon sa paglaki ng populasyon. Nakakatuwa yung kay Jeturian, yuong halos lahat ng tao'y nagbebenta ng kung ano para mabuhay. Ang kay Delana't Carolino nama'y pawang mga dokyumentaryo ng mga nagdaang isyu, sa Maguindanao Massacre at sa kaso ng Sumilao Farmers.

Nadismaya naman ako nang hindi ipakita lahat ng pelikula, gusto kong makita pa naman yuong kay Torres at Raymond Red. Yung kay Mendoza naman ang hindi ko inaasahang mapanuod. Sa aking pagkaalala, wala pang nagawang music video si Mendoza kaya ito maaari ang kaniyang pang-una.

Mayroon ding mga animation tulad nung kay Ramos.

Hindi ko alam kung kailan pa ipapalabas yung mga iba, kung sino man ang nakababasa nito ay sana mag-update kung meron.

(wasak pa rin)

Bangkok Dangerous (1999)



Direksyon: Oxide Pang Chun, Danny Pang (Pang Brothers)
Runtime: 105 mins
Mga Nagsiganap:

Pawalit Mongkolpisit bilang Kong
Premsinee Ratanasopha bilang Fon


Minsan, lahat tayo bumabalik sa pagkabata kahit sandali. Minsan, naggugunita, tumatawa, naglalaro. Ang Bangkok Dangerous ay masasabi kong direktor ng isang bumalik sa pagkabata. Isa itong paglalaro ng iba't ibang istilong sinematiko. Isang magandang pag-unlad sa genre ng action.



Si Kong ay isang pipi't bingi na isang hired gunman. Walang tanong, basta may bayad, tapos ang trabaho. Sa umaga'y pawang normal at sa gabi'y pumapatay. Isang araw, nang sumakit ang kanyang ulo ay napadaan siya sa botika kung saan nagtatrabaho si Fon, noo'y nagkaroon ng interes dito si Fon. Hindi mapalagay si Kong kung sasabihin niya ang katotohanan sa pagkatao niya, lalong mas nagpahirap ang kanyang kalagayan.



Kung tutuusin, tipikal lang ang kwento nito para sa isang action film. May masasaktan, gaganti, may masasaktan uli, tapos gaganti. Pero, tulad nga ng nasabi ko kanina, isa itong paglalaro. Nakakatuwa ang paiba-iba ng gamit ng estetika, minsan nagiging sepia, black and white, super 8, etc. Isa pang nakakatuwa rito ay ang halos kawalan na nito ng dayalogo gawa ng ang bida ay isang pipi. Hindi na halos nangailangan ng mga linya, kaya malaro sa visuals.



Isa ito sa mga naunang pelikula ng magkapatid na Pang, hilaw pa ang dating ng pelikula. Malakas, epektibo. Malinaw ang mensahe. Maayos ang pagkakalahad ng kwento. Magagaling ang mga nagsiganap. Medyo malayo ito sa mga sumunod na pelikula nila tulad ng The Eye.



Nagawan ito ng remake nitong 2008, hindi ko pa siya napapanood. Kaya hindi ko alam kung ano'ng ie-expect. Tulad nga ng sulat ko sa Synecdoche, medyo wasak ako ngayon, kaya medyo malabo ako kausap kahit sa post. hehe. Pasensya.

Synecdoche, New York (2008)







Direktor: Charlie Kaufman
Runtime: 124 mins
Mga Nagsiganap:
Philip Seymour Hoffman bilang CADEN COTARD


Hindi ko alam kung pano sisimulan to. Kung maaalala ninyo, si Kaufman ang nagsulat ng mga wasak na pelikula tulad ng Being John Malkovich (1999), Eternal Sunshine of the Spotless Mind (2003), at Adaptation (2004). Yun yung mga nagwasak sa viewing habit ko. Mula noon, sinundan ko na siya, at ito ang directoral debut niya.



Di bale, kwento ito ng isang Theater director na si Caden (Hoffman) na may asawa't anak. Ang asawa'y artista din. Cool yung pagsasama nila, hanggang naisipan ng asawa niya na bumyahe pa-Berlin mag-isa. Mula doo'y nagkandaleche-leche na ang buhay niya.

Hindi ko maikwento ng matino ang sinopsis kasi madaming maiispoil. Ayaw pakwento ni Kaufman ang pelikula sa iba, gusto niya kayo ang manuod. hehe.



Maganda ang konsepto, malapit sa konsepto ng Matrix o ng Cube. As expected kay Kaufman, wasak ang lahat. Madalas niyang gawing konsepto ang utak at tao. Psychology. Masarap pang-hasa ng utak. At tulad ng ibang pelikulang pinagana ang utak ni Kaufman, hindi sapat ang isang panuoran.



Isang beses ko pa lang pinanood ang Synocdoche, kaya magsisilbi itong parang initial findings. Subok na dati pa man si Hoffman, ang kinagulat ko dito ay ang dami ng nagsisulputan pang mga tauhan. Maraming bagay ang bigla-biglang nangyayari. Magulo, makulay, wasak.

Mahusay sa teknikalidad, para sa isang debut, masterpiece na kaagad. Maganda ang sinematograpiya, lalo yuong malaking teyatro. Na may lamang malaking teyatro.



Siguro'y hindi sasapat ang amateur writing skill ko sa isang napaka gandang pelikulang tulad nito. Sa susunod ko itong panuorin, magsusulat uli ako ng review na mas mainam pa dito.

(Pasensya na kung wasak tong review ko ngayon, wasak din kasi ako. XD)

Monday, March 1, 2010

Itim (1976)



Direktor: Mike De Leon
Runtime: 106 mins
Mga Nagsiganap:
Tommy Abuel bilang JUN
Charo Santos bilang TERESA

Isa si Mike De Leon sa mga unang imahe ng alternatibong pelikulang Pilipino. Mula nuong mid-70's, ang mga pelikula niya'y laging namumukod-tangi ang tema. Ilan sa mga pwedeng mabanggit ay ang Batch 81, Kakaba Kaba Ka Ba? at Bayaning Third World. Ngayo'y tatalakayin natin ang kaniyang pinaka-unang pelikula.



Ang Itim ay umiikot kay Jun (Abuel) isang potograper na nakabase sa Maynila na umuwi sa kanilang bahay sa probinsya upang dalawin ang kanyang amang may sakit at fuon gawin ang kanyang ispesyal na proyekto para sa semana santa. Sa isang simbahan ay nakita niya si Teresa (Santos) na noo'y mistulang nakalutang ang isip. Makalipas ang ilang araw ay natuklasan niyang magkakaugnay ang buhay nila ni Teresa.

Sa pelikulang ito, hindi naman talaga ako natakot pero mayroon siyang kakaibang pakiramdam na nakapagpatayo sa aking balahibo. Hindi siya katulad ng mga palasak na horror na pelikula na naka-pokus sa panggugulat. Ito ay mas nakapokus sa kwento at hindi sa panggugulat, na nakapagbigay dito ng mas epektibong pakiramdam sa manonood.



May parte rito na nangingiti ako dahil sa kagandahan na noo'y nakikita ko lang sa mga banyagang pelikula. Yun ay yung mga dream sequences na may elemento ng surrealism. Mga wirdong elemento na hindi ko akalaing makikita ko sa isang gawang sariling-atin. Noong mga panahong ito'y wala pa si David Lynch, at makasisiguro ako na hindi classic surrealism ang inspirasyon sa teknik. Sa makatuwid, orihinal. Pinoy na pinoy. Sa elemento't teknika.

Bago ito, hindi ko alam na may starring role pala si Tommy Abuel, maganda ang pagkakaganap kay Jun. Una ko siyang napanuod sa Maynila: sa mga Kuko ng Liwanag ni Brocka, magaling ang pagkakaganap niya roon. Kay Jun naman ay ganoon din, ngunit mas nabigyang pansin ang karakter niya kaya lumabas pa ang mas malaking parte ng kaniyang potensyal. Medyo may parte lang ng pagganap ni Charo Santos ang hindi ko nagustuhan, yuong banda kung saan nakasanib na sa kanya yung kapatid ni Teresa. Ngunit hindi ko na gaano napagtuunan ng pansin dahil sa kilabot ko.



Matagal na mula nang huling pelikula ni De Leon, hinihiling ko lang na sana, gumawa uli siya ng bago. Bibihira na ang mga taong katulad niya sa pelikula.