
Direktor: Michael Moore
Runtime: 127 mins
Runtime: 127 mins
Sa mga nagdaang panahon, nagbago-bago na ang hitsura ng mundo, pati mga sistemang nakapaloob dito. Maging ang tinatawag nating pinakamalakas na bansa sa mundo, ay hindi naka-iwas sa dalang mga pagbabago. Ang Amerika at kapitalismo ay hindi ligtas sa mga kamera ni Michael Moore.

Sa paggunita ng ika-20 anibersaryo ng Roger and Me (1989), ang unang dokyumentaryo ni Moore, binalikan ni Moore ang kanyang bayan ng Flint, Michigan upang muling usisain ang lumalalang dominasyon ng corporate system sa kabuhayan ng mga simpleng mamamayan ng Amerika. Sa pagparatang ng mga matitinding krimen di-umano ng mga malalaking kompanya, ng gobyerno ng Amerika at ang sistemang pang-ekonomiya na pinapanghawakan nito, ang Kapitalismo, sa lipunan at mamamayang Amerikano.
Dati pa, tuwang tuwa na ko sa paraan ni Moore ng pagkukwento. Isa siguro siya sa mga natataning dokumentarista sa mundo, kung ang direktor ay story-teller, niliteral niya ito. Nandoon pa rin ang paggamit ng found-footages technique, then dubbing, at kali-kaliwang sense of humor. Medyo may nagbago kay Moore sa paraan ng pagkwento ng Capitalism, hindi nagbago ang mood ng humor. Hindi katulad ng Bowling for Columbine saka Fahrenheit 9/11, na may mga mabibigat na parte. Isa itong pinagaan at pinasimpleng paliwanag sa mga mabibigat at komplikadong sistema na umiiral na nagpapahirap sa lahat.

Isa pa sa nagustuhan ko ay yung matapang na paghamon ni Michael Moore sa lahat ng manonood na gumawa ng kolektibong pagkilos matapos niyang maipakita ang pangkasalukuyang epekto sa mga mamamayan ng sistemang nagpapahirap sa lahat. Nagbigay siya ng mga konkretong datos king bakit maraming nawawalan ng bahay, kung bakit unti-unti nang nabubura ang pang-gitnang uri at natitira na lang ay yung meron at merong wala, at kung bakit patuloy na yumayaman ang mayroon, at patuloy naman sa paghirap ang wala.
Hindi ko lang lubos maisip kung bakit maraming may ayaw kay Moore. Dahil ba masyado siyang maangas? Sinungaling nga ba? Ayaw ba niya talaga sa sarili niyang lahi?

Una't una pa, ang angas ay dapat idinadala at inilalabas sa isang wastong sitwasyon. Si Moore, sa aking pagtanaw, ay isang maingat na tao at hindi mag-aangas kung siya'y walang batayan, dahilan at patutunguhan sa pagiging maangas. Iisa lang naman ang gusto maalis ng angas niya, maiwasto ang maling sistema na nagpapahirap sa mamamayan. Kung sinungaling si Moore ay sana naipakulong na siya noon pa man ng General Motors ng dahil sa Roger and Me, o ni Charlton Heston dahil sa Bowling for Columbine. At wala siyang ibang minithi kundi ang kapakanan ng kapwa niya mamamayan at maisakatuparan ang totoong mithiin at ibig sabihin ng demokrasya.
























